Always believe in your soul
You have the power to know
You're indestructible
Always believe in, because you are
Gold"
Ginto. Ang pinakamakapangyarihang elemento sa Periodic Table. Dito lang naman kasi nakasalalay ang halaga ng palitan ng salapi sa halos lahat ng bahagi ng mundo. Isang metal na may dilaw na kulay, na kailanman ay hinding hindi mawawala sa buhay ng tao. Alahas, medalya, palamuti, pera -- ilan lamang ito sa mga pinaggagamitan ng ginto. Ah teka, may nakalimutan pa pala akong isa... Sa pagkain nga rin pala.
Nakapagtataka. Hindi ko maintindihan kung bakit kinawiwilihan ng mga tao ngayon ang sinasabing mga "golden recipes" -- mga pagkaing dinedesenyuhan at pinapalamutian ng ginto. Sosyal ang mga pagkain ngayon. Isusubo na lang at lahat, nagsusuot pa ng samu't saring mga alahas.
Sa una'y namangha ako. Isipin mo na lang na ang dating relo o hikaw mong ginto, ngayon ay kakainin mo na at lalasapin ng iyong bituka. Ang dati mong medalya, ngayon ay dadaan sa iyong lalamunan at dederetso sa iyong tiyan. Ang dating sangkap lamang sa paggawa ng pera, iyo nang ngunguyain at lulunukin. Nakamamangha talaga. Isa pa, wala naman daw itong epektong masama para sa kalusugan, at pati na rin sa lasa.
Pero 'yun nga ang problema. Oo, wala itong epektong masama sa kalusugan at lasa ng pagkain, ngunit wala rin namang mabuting idudulot. Wala itong dalang kahit anong bitamina o mineral na makatutulong sa katawan. Wala rin itong epekto sa lasa dahil ginagaya lamang nito ang lasa ng kung ano mang nakadikit ditong pagkain. Kumbaga, pang-disenyo lang talaga ang dilaw at kumikinang na metal sa pagkain.
Hindi ko lubos maisip kung bakit nawiwili ang mga tao sa ganitong mga luho sa buhay. Halata naman siguro na ang may kakayahan lamang talagang bumili ng mga ganito ay 'yung mga pinanganak nang may gintong kutsara. Nakakainggit sila. Pero minsan, naiisip ko na sayang lang 'yung pera nila. Sa halip kasi na tumutulong na lang sila sa mahihirap, nagpapakasasa sila sa isang luho na 'di maglalaon ay ilalabas din sa inidoro at tuluyang dadaloy sa septic tank. Bakit 'di na lang kaya sila pumikit at isiping may ginto sa kinakain, tutal wala namang pinagkaiba?
Alam kong wala akong karapatang makialam sa gusto ng iba. Ito ay bunga lamang ng sari-saring katanungang produkto ng aking pakialamerong utak. Sino nga naman ba ako para makialam sa pera ng mga taong pinanganak na may gintong kutsara? Sino ba ako para pakialamanan silang tahimik na ngumunguya at nagpapakasasa sa mga pagkaing may ginto? At sino nga naman ba ako para makialam sa mga taong wala na sigurong mapaglagyan ng pera kaya kinakain na lang ito, 'di ba?
Edi sila na... Sila na ang tumatae ng ginto. Baka gusto ninyong saluhin, mahal ang palitan niyan sa sanglaan!
Wow Xhianncey... may blogger ka na rin? Hahahahha. Nice ideas... puwede ka na rin sa online writing... opionated pati featurized rin... astig ka! Next year kapag nag quit ako sasabihin ko ikaw ang ipanglaban.
TumugonBurahin