Suyuan sa Asotea.
Ito ang pamagat ng ikapitong kabanata ng Noli Me Tangere ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Isang kabanata na nagpapakita kung paano ba sinusuyo ni Don Crisostomo Ibarra ang babaeng kanyang iniirog, si Maria Clara. Isang kabanatang sumasalamin sa paraan ng mga Pilipino sa pagkamit ng matamis na "oo" ng isang mahinhing Pilipina. Isang kabanata na nalalapit nang mapunit mula sa aklat na ito, dahilan sa unti-unti nang pagkalimot ng mga Pilipino sa tradisyong minsang naging bahagi ng mayaman nilang kultura.
Sa patuloy na pag-unlad ng bayan tungo sa pagtuklas ng misteryo ng sansinukuban, unti-unting nabibigyang-sagot ang mga tanong na namamalagi sa utak ng bawat nilalang. Ngunit bilang kapalit sa modernisasyong natatamasa, unti-unti na ring nag-iiba ang pag-iisip ng sangkatauhan, dahilan upang unti-unti na ring makalimutan ang mga pagpapahalaga ng ating mga kanunuan. Kabilang na nga rito ang pagkawala ng mga makaluma ngunit mas magagandang paraan ng panliligaw.
Sa panahon ngayon, lahat na, INSTANT. Kaya pati ligawan at sagutan, instant na rin. Katulad na lamang ng ligawang ito:
Lalaki: Pwede bang manligaw?
O kaya naman, ganito:
Lalaki: Pwede bang manligaw?
Babae: Ikaw bahala...
Lalaki: Kailan mo ako sasagutin?
Babae: Bukas...
Ang masama pa rito, hindi sila personal na nagliligawan. Madalas, sa text o Facebook lang. Hindi maaaring makita ang sinseridad sa mga mata ng nanliligaw dahil wala namang tinitignan kundi ang screen ng cellphone o kompyuter. Hindi maririnig ang matamis na mga salitang nagmumula sa dila ng manliligaw dahil wala namang pinapakinggan kundi ang tunog ng message alert. Hindi na masasabi ang nararamdaman gamit ang sariling boses, dahil wala namang ibang kailangan gamitin kundi ang mga daliri upang makapag-type ng nais sabihin. Nawawala na ang tamis ng pagsusuyuan.
Mayroon pa itong mas masama pang epekto. Minsan ay makakakilala tayo ng mga tao sa Internet na makikipagkilala hanggang sa makipagligawan. Hindi natin siya kilala, kaya siya ay magpapakilala, sa ibang katauhan nga lang. Kaya ayun, malalaman na lamang natin na tayo'y naloko na pala.
Bihira na lamang na makita ang mga lalaking nanghaharana sa ilalim ng madilim na gabi, umaawit ng kundiman, at labis na nagpapakilig sa puso ng babaeng sa mga oras na iyo'y nakatanaw mula sa bintana o terrace sa itaas. Pinakasikat sa mga kantang ito'y ang "O, Ilaw" -- isang awit na minsang nagpakilig sa puso ng mga babae, ngunit ngayo'y labis nang nababalot ng alikabok at nakabaon pa sa baul, tuluyan na yatang ibinaon sa limot.
O, Ilaw, nasaan ka na nga ba? Bakit ba hindi mo kayang pagliwanagin ang isip ng makabagong salin-lahi? Hahayaan mo na lang bang sila'y tuluyang mapunta sa isang mundong puno ng kadiliman at walang kasiguraduhan?
Alam kong wala akong kakayahang pigilan ang daloy ng pamumuhay. Ngunit, magkayunman, patuloy pa rin akong umaasa na balang araw ay darating ang ilaw na hinihiling ko. Ang ilaw na sasagot sa mga problema ng bayan ko.
At kapag dumating ang araw na iyon, sana nga lang... HINDI PA HULI ANG LAHAT...